Miyerkules, Marso 28, 2012

Gitara


Bakit pa kailangan ng rosas
Kung marami naman ang mag-aalay sa'yo
Uupo na lang at aawit
Maghihintay ng pagkakataon
Hahayaan na lang silang magkandarapa na manligaw sa'yo
Idadaan na lang kita sa awitin kong ito
Sabay ang tugtog ng.... gitara


“Nakakatuwang isipin, dahil kahit pagod ako mula sa eskwela ay may libreng musikang nakakapawi ng kaunting pagod ang maririnig sa maikling byaheng tinatahak ko, ang byaheng dapitan, sampung minuto papunta sa aking bahay.
Kahit hindi natatapos, kahit wala sa tono, kahit accapela, okay na ako dun. Ngayon ko lang kasi naririnig ulit ang kinalakihan kong mga kanta. At mula pa sa isang walong taong gulang na bata.”



Sigurado ang binata na karamihan sa kaedad ng paslit na kumakanta ay kasalukuyang lumalaki sa modernong teknolohiya, nabubuhay psp at nasa harap ng computer. Sa isip ng binata, siguro kapag pinarinig man niya sa mga ito ang mga kanta ng Parokya at Eraserheads ay magtataka lang sila o ba tawanan lamang siya. Palibhasa mga awitin lang kasi ni Beiber at Miley Cyrus ang alam nila.

Hindi katulad ni Manoy, araw araw nagdaraos ng concert, hindi sa araneta, hindi sa med auditorium, kundi sa lahat ng dumadaang jeep na byaheng dapitan.
Hindi din siya athlete, pero alam ng lahat siya ang pinakamagaling sa pakikipagpatintero at pakikipaghabulan sa mga sasakyan.

Hindi maintindihan ni Erik kung bakit may mga taong kung makatingin kay Manoy ay kulang na lang at ipamukhang wala siyang karapatang umakyat sa jeep, para sa kanila sila lang ang may angst na sumakay ng jeep, masyado silang sosyal, walang time para mag taxi kaya nagjijeep na lang. Mayroon yung biglang tumitingin sa malayo na akala mo ay napakalalim ng problema, may nagtetext kahit wala namang load, may agad-agarang dadampot ng panyo at magtatakip ng bibig kahit hindi naman ganood kausok sa kalsada. Ang lakas lang makalalaki ng panyong pink nung mamang batak na batak ang muscles para lang makaiwas sa pagbigay ng barya. Sa bawat kanta kasi ni Manoy, may kalakip itong na sampung mga sobre. Dati itong puti, pero dahil araw araw niyang ginagamit ay bakas na ang karumihan ng mga usok, alikabok at kung ano pang dumi. May mga salita ding nakalagay dito, malapit nga lang mabura at maglaho pero nababasa pa rin: Pahingi po ng konting barya, pambili lang ng pagkain. Magtataka ka talaga dahil mas maganda pa ang hand writing ni Manoy sayo.

Habang dinadampot ni Erik ang kaunti niyang baryang nasa coin purse upang ipambayad sa pagkanta ng bata, nagulat siya nang dali dali itong bumaba upang habulin ang lumipad na sobre, mabuti na lamang at hindi humaharurot ang jeep at nakatalon ng maayos ang bata. Inihagis pala ito ng babaeng naka handbag ng Gucci, este Gutchi pala. Nagkamali lang si Erik ng tingin. Ayaw kasi ng babaeng madampian man lang ng bata ang kahit anong parte ng katawan niya kaya naman naisipan niyang ihagis na lamang ito sa sahig ng jeep. Lumipad ang sobre kaya naman sinubukang kunin ni Manoy. Bakas pa sa mukha niya ang pag-aalala na baka mawala ang isang piraso ng sobre niya. Takot na mabawasan, kaya nagpursiging habulin ang natangay ng hangin na papel.

Nakarinig si Erik ng tunog na tila may kaguluhan sa gitna kalye. Huminto ang mga sasakyan. May mga tsuper na sumisigaw dahil biglang nagkabuhol buhol ang traffic. Maingay ang pagbusina ng halos lahat ng sasakyan. Napatigil din ang driver ng sinasakyan ni Erik upang lingunin kung ano ang nagaganap sa likod.

“Yung bata!” sigaw ng aleng nagtitinda ng piso-isang pamunas na tila nabigla sa kanyang nakita.

Dali daling bumaba ang mga pasahero ng jeep, kasama na si Erik. Nagtungo siya sa mga nagkumpulang mga tao upang maiusyoso kung ano ang nagaganap.
Nagulat na lamang siya nang makita niya ang batang kumakanta lang kanina ng paborito niyang kanta, ay nakahandusay na ngayon sa kalye. Duguan. At may hawak sa kamay na sampung piraso ng sobre. Ngayo’y basang basa sa sarili niyang dugo.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento