Sinigurado
ko munang kumpleto lahat ng mga gamit ko bago ako lumabas ng bahay.
Stethoscope, bp apparatus, thermometer, small notebook, yung ballpen kong tatlo
ang kulay, at iba pang paraphernalia. Tinignan ko ulit sa salamin ang itsura
ko, atsaka ko iniayos ang apron na suot ko. Natuwa ako dahil maayos akong
tignan sa puti kong uniporme. Isang oras kong plinantsa yung uniform ko kagabi
para lang masiguradong walang gusot, nilinis ko din ng sabon at joy yung
sapatos ko na mejo matagal nang naimbak sa bodega. Walang dahilan para
mapagalitan ako ngayon at muling magkaroon ng make-up duty.
Sumakay
na ako ng jeep, hawak hawak sa aking kamay ang isang piraso ng papel. Sa wakas
maipapakita ko na din ang make-up slip ko, pruweba na wala akong kakulangan sa
aking pagduduty bilang isang student nurse. Bibisita ako sa isang espesyal na
tao, sa natatanging taong nagtulak sa akin na magpursigi at gawin ang mga bagay
na hindi ko nagagawa noon.
Ngayon
na lang ulit ako magpapakita sa kanya, nawalan din kasi ako ng oras dahil sa
sobrang daming requirements ang kelangang ipasa at gawin sa eskwela.
Kinakabahan ako. Ano kayang sasabihin niya sa akin? Pupurihin kaya niya ako?
Bumalik
ulit sa akin ang alaala kung bakit kelangan kong ipasa ang piraso ng papel na
ito.
Martes noon ng hapon nang pumasok
akong hindi nakahanda sa kahit ano man. Pumasok akong wala sa katinuan, gutom, gusot
ang uniporme at hindi kumpleto ang mga gamit, tuliro. Hindi na din ako
nagkaroon ng sapat na oras para ayusin ang pusod ng buhok ko. Nagkaroon kasi ng
malaking problema kaya ako nagmadaling pumunta. Hindi na sana ako papasok pero
sabi noon ng aking nanay na hanggat maari ay hindi ako lumiban para
makapagtapos ako sa oras.
Dumating ng late noon si
binibining Bautista. Pagkarating niya ay agad niya akong napansin. Susubukan ko
sanang humingi ng paumanhin ngunit ako’y nabigla sa nang magsalita siya.
“Estudyante ba kita!? Ano sa tingin mo ang ginagawa mo?! Anong naisip mo
para pumasok ng napaka dugyot, para kang sa kung saan lang nag-aaral!”
Hindi na ako nakapagsalita dahil lahat ng mga mata sa buong lugar ay
nakatitig sa akin. Nagmamanman kung ako ang susunod kong gagawin at naghihintay
kung ano ang isasagot ko sa babaeng nasa harapan ko.
“Ma’am magpapaliwanag po ako, si mama po kasi…”
Sinubukan kong magsalita kahit mejo nauutal pa ako, kahit halatang
kinakabahan ang boses ko. Bago ko pa man matapos ang aking pagpapaliwanag ay
nagsalita na ulit si binibining Bautista.
“Tingin mo papayagan kitang
magduty ngayon? Saan ka nakakita ng nars na ganyan kaduming tignan?! Ano na
lang ang sasabihin ng pasyente mo?! Magagawa mo ba yang trabaho mo pag ganyan
ka kadumi!?”
Ang maingay na ospital
kanina ay bigla na lang nagbago nang ang sigaw na lang ni binibining Bautista
ang aking naririnig.
Makakapagtrabaho po ako kahit
medyo gusot ang uniporme ko. Makakatulong po ako sa paggaling ng pasyente ko
kahit hindi perpekto ang pusod ng buhok ko. Kaya ko pong maging desenteng nars
kahit may kadumihan ang sapatos ko.
Pagpasensyahan niyo pa po,
namatayan ako kanina ng nanay, isinugod ko siya sa hospital nang magising akong
hindi na siya humihinga, pero wala na po akong nagawa. Wala na akong nagawa,
hindi na sana ako papasok pero naalala ko ang tanging hiling ng aking nanay sa
akin. Gusto ng nanay ko na maging isa akong nars balang araw. Nagmadali lang
akong pumunta dito.
Ngunit bago ko pa man
masambit ang mga salitang ito. Pinaalis na ako ng babaeng galit na galit sa
akin palabas ng lugar. Hindi ko na alam ang eksaktong mga salitang binitawan
niya ngunit ang alam ko lang, lahat ng tingin ay nasa akin habang ako’y
naglalakad palayo sa ward.
Nawalan ako ng magulang
kaninang umaga dahil sa karamdaman ilang taon niyang pinasan. Ngayon
nakatanggap pa ako ng balita mula sa kaklase ko na kelangan kong magduty ng
sampung oras na may karagdagang kabayaran. Problema ko pa kung saan ako kukuha
ng perang pambayad.
Nagpasya akong pumunta sa
bahay ni Binibining Bautista para muling magpaliwanag. Sana pakinggan niya ako
sa pagkakataog ito at bawiin niya ang make up duty na binigay niya sa akin.
“Manong sa tabi lang po.” Huminga ulit ako ng malalim
bago bumaba ng jeep. Naglakad ako ng marahan at siniguradong hindi
magugusot o matalsikan man lang ng putik ang uniporme ko. Iniayos ko ang suot
kong cap atsaka nagpatuloy sa paglalakad. Mabilis akong nakarating, malapit
lang kasi mula sa gate kung nasaan si binibining Bautista.
Ibinaba
ko ang make-up slip ko sa puntod niya.
“Ma’am,
hindi ka ba natutuwa at napakaayos ko nang tignan ngayon? Wala ng dahilan para
mapahiya ako. Wala ng dahilan para magkaroon ulit ako ng deficiency. Masasabi mo na ngayon ma’am na modelo ako ng isang
mabuting nars.
Kung sana naging mabait ka lang
sa akin, kung sana pinakinggan mo man lang ang paiwanag ko, kung sana hindi mo
ako pinahiya noong araw na ‘yon.
Sana wala ka dito ngayon. Sana
nagagawa mo pa ang gusto mong trabaho. Sana masaya ka pa ngayon.”
***THE END***
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento