Tinatahak
ko ang kahabaan ng Miguellin St. papunta sa tutuluyan kong bagong apartment.
Hawak hawak ko ang isang malaking karton na pinaglagyan ng mga piling gamit ko.
Kinailangan kong maghanap ng bagong malilipatan, nagkaroon kasi kami ng alitan
ng may-ari ng dati kong inuupahan dahil sa bayaran.
1254. Unit U ang nakuha
kong room. Iyon lang kasi ang libre noong nagcanvass ako ng apartment. Ilang
minuto rin nang makarating ako sa building, binuksan ko ang gate at tinungo ang
aking kwarto. Nasa ika-5 na palapag pa ito, may kataasan pero kinuha ko na din
dahil malaki at hindi ganun kamahal. Ramdam ko na ang pagod at tagaktak na ang
pawis sa buo kong katawan. Hinihingal na din ako. Pero kaunti na lang naman
kaya nagpatuloy na ako sa pag-akyat.
Pataas na ako sa ika-apat na hagdanan nang
makita ko ang isang batang babae ang nakaupo sa tuktok ng mga baitang. Naglalaro
siya ng manika. Nabaling ang atensiyon niya nang makita ako atsaka niya ako
nginitian. Tila napawi ang pagod ko sa mala-anghel niyang ngiti kaya naman
napangiti din ako sa kanya. Napakaganda niyang bata, at naging magaan agad ang
loob ko sa kanya.
Habang pinagpatuloy ko ang
paghakbang sa natitirang mga baiting ay tinanong ko ang bata.
“Hello, anong pangalan mo?”
“Jennifer po.” ang sagot niya, napakaamo ng kanyang
boses.
“Ang ganda naman ng pangalan mo Jennifer, ilang taon ka
na?” tanong kong muli.
“6 po.” agad naman niyang sagot sa akin.
Nang makarating ako sa
taas ay napagpasiyahan kong tabihan muna ang bata at makipagkwentuhan.
“Pwede ba kitang tabihan muna Jennifer?” ang tanong ko
sa kanya, tumango naman siya habang nakatingin sa akin. Umusod siya sa kanyang
pagkakaupo para magkaroon ako ng espasyo.
Umupo ako sa tabi ni
Jennifer.
“Sinong kasama mo
dito Jennifer?”
“Si mama at si papa
po.”
Napakagaan talaga ng loob ko sa batang ito. Hindi man lang siya natakot sa
akin kahit na ngayon lang niya ako nakita.
“Ano pong pangalan
niyo?” ang tanong ng bata.
Naku, masyado na yata akong na-overwhelm sa pakikipag-usap sa kanya at
hindi ko na nasabi ang pangalan ko. Mahilig talaga ako sa mga bata. Paborito
kong kalaro ang mga pamangkin kong naiwan sa probinsya. Sobra ko lang siguro
silang namimiss kaya naman nawiwili akong makipagkwentuhan kay Jennifer.
“Ah, ako pala si kuya John
mo. Saan kayo nakatira dito?” ang mahinahon kong pagpapakilala sa bata. Kapag nakikipag-usap
kasi ako sa mga bata ay napapasalita rin akong katulad nila. Mabagal,
mahinahon at gumagamit lang ng piling piling mga salita.
Hindi nagsalita si
Jennifer, tinuro lamang niya ang kwarto sa may dulo ng floor.
“Ah sa Y ba kayo?” tanong kong muli.
Tumango siya.
“Anong grade mo na
Jennifer?”
Hindi sumagot ang bata. Tila nalungkot ito , saka tumingin sa baba. Alam
ko na ang ibig sabihin nito. Para hindi na siya malungkot pa ay sinubukan kong ibaling
ang atensiyon niya.
“Jennifer wala ka bang kalaro dito sa building?”
tinanong ko ang bata.
Umiling siya, bakas pa rin sa mukha niya ang
kalungkutan.
“Ako, pwede mong maging kalaro. Tulal bago ako dito,
ikaw ang magiging una kong kaibigan. Okay ba yun?”
Ngumiti ang bata, na tila nagkaroon ulit ng sagot ang
mga kahilingan niya.
“O sige, ganito Jennifer ha, kumatok ka lang dito sa kwarto
ko pag wala kang kalaro, para masamahan
kita. Ipapasok ko muna itong mga gamit ko, tsaka nauuhaw na rin ako e. Ikaw,
baka hinahanap ka na din ng mga magulang mo. Pumasok ka na muna sa inyo.”
“Okay po.” ang sagot ng bata at hindi matanggal ang
napakalaki niyang ngiti sa mukha.
Tumayo na nga ako at
pumasok sa kwarto ko bitbit ang mga gamit na nasa karton. Humiga muna ako upang
magpahinga. Nang bumalik ako sa ulirat ay alas siyete na pala ng gabi. Sa
sobrang pagod ko ay hindi ko namalayang nakatulog na ako.
Nag-aayos ako ng mga gamit
nang makarinig ako ng maingay na mga boses sa labas. Tila mag-asawang hindi
nagkakaintindihan, nagsisisihan. Binuksan ko ang pintuan upang tignan kung ano
ang nangyayari. May dalawang mag-asawang nagsisigawan habang naglalabas ng mga
gamit mula sa kanilang kwarto. Tumingin ako sa itaas ng pinto at nakita ang “Unit
Y”. Alam ko na agad na
mga magulang iyon ni Jennifer. Kaya siguro siya malungkot ay laging
nagkakaalitan ang kanyang mga magulang.
Napansin ko ding tila huling mga gamit na iyon ng pamilya dahil nilock
na ng lalaki ang pintuan saka dumiretso pababa ng hagdan, dala dala ang
malaking foam ng kanilang kama.
Nalungkot ako dahil hindi man lang ako nakapagpaalam kay Jennifer bago
siya umalis. Agad sumagi sa isip ko na siguro kaya malungkot siya at hindi
sumagot nang tanungin ko kung nag-aaral pa ay dahil alam niyang lilipat na sila
ng bahay, marahil napilitang tumigil ang bata.
Papasok na akong muli sa kwarto ko nang bumukas ang pintuan ng katabi
kong unit. Nakita ko ang isang matandang babae na magtatapon ng basura nila sa
lalagyan ng mga kalat.
Ngumiti ako sa
kanya. At ngumiti din naman siya pabalik.
“Bago ka dito?”
tanong ng matanda.
“Opo, kakalipat ko
lang ng mga gamit kani-kanina lang. Pero kakarating ko lang e
may aalis na agad sa floor na to.” sagot ko naman sa kanya.
“Naku oo nga, kawawa nga yang pamilyang yun e.” ang
sabi naman niya. Alam kong mayroon siyang kwento nalalaman.
“Ano pong nangyari?” curious kong tanong sa kanya.
“Namatayan sila ng anak. Last week lang. Nahulog siya
dun sa may hagdan habang naglalaro mag-isa, napabayaan yata kasi.”
Bigla akong kinilabutan
.
“Ano pong pangalan nung bata?” tanong ko.
“Jennifer. Ka-ganda pa man din ng batang iyon. Sayang
talaga, at napakabait pa.”
“Sige po.” Sa sobrang takot ko ay pumasok ako agad sa
aking kwarto. Dali dali kong ni-lock yung pinto atsaka tumungo sa aking kama.
Pipindutin ko na sana ang tv nang may kumatok sa pinto.
Kinabahan ako, pero naisip ko na baka si ate lang yon. Nahulog ko yung
cellphone ko kanina, pero dahil sa sobrang taranta ay hindi ko na napulot ito.
Binuksan ko ang pinto,
tumaas ang balahibo ko nang makita ko ang isang batang may hawak na manika.
Nasa harap ko si Jennifer at hawak ang cellphone ko sa isa pa niyang kamay.
Nanigas ako, hindi ko alam ang gagawin, hindi din ako makasigaw.
“Kuya, laro tayo.”
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento